MANILA, Philippines – Online nang makatatanggap ng ayuda mula sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ang 9,728 benepisyaryo sa lungsod ng Parañaque.

Ito ang napag-alaman kay Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez na kamakailan lamang ay lumagda ng Memorandum of Agreement (MoA) sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Landbank of the Philippines (LBP) upang maipatupad ang paggamit ng online disbursement para sa cash assistance ng mga benepisyaryo ng 4Ps sa lungsod.

“Amin pong pinasasalamatan si DSWD Secretary Rolando Bautista at LBP President/CEO Cecilia Borromeo sa kanilang pakikiisa na tumulong sa lokal na pamahalaan sa distribusyon ng cash aid para sa mga benepisyaryo ng 4Ps. Ito ay isang istratehiya para maging maayos ang proseso ng distribusyon at masiguro na rin ang kaligtasan at seguridad ng aming mga konstituwente,” ani Olivarez.

Sinabi ni Olivarez na ang naturang programa ay isa lamang sa mga inisyatibo ng lokal na pamahalaan upang maipagkaloob ng buo ang benepisyo sa pamamagitan ng pagbibigay ng serbisyo sa online sa panahon ngayon ng pandemya.

Ipinaliwanag ni Olivarez na ang tripartite MoA ay nagpapakita ng proseso ng kredito sa pamamaraan ng paggamit ng Pantawid Pamilya Information System (PPIS) para mailipat ang pondo sa mga account ng bawat benepisyaryo.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Olivarez na may kabuuang 9,728 aktibong benepisyaryo ng 4Ps sa lungsod na nakarehistro sa PPIS.

“Magandang balita ito para sa ating mga benepisyaryo ng 4Ps dahil matatanggap na nila ang kanilaang mga ayuda na direkta sa kani-kanilang mga account at hindi na nila kailangan pang pumila sa mga distribution center. Ito ay mas ligtas at konbinyente lalo pa sa panahon ngayon ng pandemya,” ani pa Olivarez.

Sinabi naman ni DSWD Secretary Rolando Joselito Bautista na sinusuportahan ng naturang ahensya ang lokal na pamahalaan sa paggamit ng online disbursement platform ng gobyerno.

Binati rin ni Bautista ang lokal na pamahalaan sa mga natanggap nitong accomplishment at susundan na rin ng ibang LGUs ang pinakamagandang gawain na ito.

Sa panig naman ni (LBP) president/CEO Cecilia Borromeo ay nakatuon sila sa pagbibigay ng mas konbinyenteng ekspiriyensya sa paggamit ng kanilang digital at online platforms lalo na sa kanilang mga ka-partner sa gobyerno.

Sinabi ni Borromeo na ang MoA ay isang testamento ng kanilang bisyon para maitaguyod ang cashless transactions sa panahon ng pandemya.

Ayon naman kay Atty. Melanie Malaya, hepe ng Parañaque Task Force Ayuda, ang lokal na pamahalaan ay napili ng DSWD na unang LGU na namahagi ng cash assistance sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) noong nakaraang Abril 2020.

Sinabi ni Malaya ito ay nasundan ng ilan pang aktibidad ng online disbursement sa pakikipagtulungan ng mga financial service provider tulad ng Unionbank of the Philippines (UBP), Gcash ng Globe at StarPay.

“Sa patuloy ng pamamahagi manin ng cash aid sa aming mga konstituwente, ang lokal na pamahalaan ay mahigpit na sumusunod sa pagpoproseso ng personal at sensitibong impormasyon ng mga data subject. Sa pagsunod sa JMC, amin pong sinisiguro na ang paggamit ng online disbursement ay naaayon sa ipinatutupad na polisiya ng gobyerno gayundin ang aming pamamaraan sa pagbibigay ng makabagong pagseserbisyo sa pag-digitize,” ani Malaya.

 

Published April 23, 2021, 1:57 PM

Source: Remate PH by James I. Catapusan